Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Marcos 3


    1Muling pumasok si Jesus sa sinagoga at may lalaki doon na tuyot ang isang kamay. 2Minamatiyagan nila siya kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa araw ng Sabat upang may maiparatang sila sa kaniya. 3Sinabi ni Jesus sa lalaking tuyot ang kamay: Tumindig ka at pumunta ka sa kalagitnaan.
    4Sinabi niya sa kanila: Naaayon ba sa kautusan ang gumawa ng kabutihan o ang gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay? Ngunit hindi sila sumagot.
    5Tiningnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya na may galit at pagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Iniunat niya ang kaniyang kamay at ito ay nanauli na gaya ng isa. 6Sa paglabas ng mga Fariseo, kaagad silang nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Sinundan si Jesus ng Maraming Tao
    7Umalis si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad patungo sa lawa. Napakaraming taong mula sa Galilea at Judea ang sumunod sa kaniya. 8Maraming dumating mula sa Jerusalem, sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon. Napakaraming tao ang pumaroon sa kaniya pagkarinig nila sa mga ginawa ni Jesus. 9Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na maghanda para sa kaniya ng isang maliit na bangka upang hindi magsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao. 10Ito ay sapagkat marami siyang pinagaling, kaya nagsiksikan sa kaniya ang mga naghihirap sa kanilang sakit upang mahipo siya. 11Nang makita siya ng mga karumal-dumal na espiritu, nagpatirapa ang mga ito sa harapan niya at sumigaw: Ikaw ang Anak ng Diyos! 12Ngunit mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nilang ihayag kung sino siya.

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad
    13Umahon siya sa bundok, tinawag niya ang kaniyang mga maibigan at sila ay lumapit sa kaniya. 14Humirang siya ng labindalawang lalaki upang makasama niya at suguing mangaral. 15Ito ay upang magkaroon sila ng kapamahalaang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo. 16Si Simon ay tinagurian niyang Pedro. 17Si Santiago, na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan na tinagurian ni Jesus na mga Boanerges, na ang ibig sabihin ay mga taong tulad ng kulog. 18Sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo at si Simon na kabilang sa mga Makabayan. 19At si Judas na taga-Keriot na siyang nagkanulo sa kaniya. Sila ay pumasok sa isang bahay.

Paanong Napalabas ni Satanas si Satanas
    20Muling nagkatipon ang napakaraming tao na anupa't si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi man lamang makakain ng tinapay. 21Nang marinig ito ng kaniyang mga kamag-anak, sila ay pumaroon upang hulihin siya sapagkat sinasabi ng mga tao: Nasisiraan siya ng bait.
    22Ang mga guro ng kautusan na dumating mula sa Jerusalem ay nagsabi naman: Nasa kaniya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinakapinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.
    23Pinalapit ni Jesus ang mga tao sa kaniya at nangusap sa kanila sa mga talinghaga. Paanong mapapalabas ni Satanas si Satanas? 24Kapag ang isang paghahari ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang paghaharing iyon ay hindi makakatayo. 25At kapag ang isang sambahayan ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makakatayo. 26Gayundin, kung si Satanas ay maghimagsik laban sa kaniyang sarili at mahati, hindi siya makakatayo kundi iyon na ang kaniyang wakas. 27Walang makakapasok sa anumang paraan sa bahay ng isang taong malakas at magnakaw at manira ng kaniyang ari-arian. Malibang magapos muna niya ang taong malakas saka pa lamang niya mananakawan at masisira ang bahay na iyon. 28Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat ng kasalanan ay ipapatawad sa mga anak ng tao at ang anuman pamumusong. 29Ngunit ang sinumang mamusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin kailanman. Nanganganib siya sa walang hanggang kahatulan.
    30Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi nila: Mayroon siyang karumal-dumal na espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
    31Pagkatapos nito ay dumating ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus. Sila ay nakatayo sa labas ng bahay at nagsugo na tawagin siya. 32Nakaupo ang napakaraming tao sa palibot niya. Sinabi ng mga sinugo sa kaniya: Narito, nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.
    33Sinagot sila ni Jesus: Sino ang aking ina o mga kapatid?
    34Pagtingin niya sa mga taong nakaupo sa palibot, sinabi niya: Tingnan ninyo ang aking ina at mga kapatid. 35Ito ay sapagkat ang sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina.


Tagalog Bible Menu